-- Advertisements --

Hindi tatanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang re-enacted budget para sa taong 2021.

Pahayag ito ng Malacañang sa gitna ng patuloy na girian sa speakership sa Kamara sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kinakailangan na mapirmahan ang budget sa buwan ng Disyembre para maging epektibo sa Enero 1 sa susunod na taon.

“Ang ayaw po ng Presidente magkaroon ng reenacted budget. So kinakailangan mapirmahan po ang budget sa buwan ng Disyembre para maging epektibo sa a-uno ng Enero,” ani Sec. Roque.

Aabot sa P4.5 trillion ang panukalang budget para sa susunod na taon.

Makailang beses nang inihayag ng Malacañang na hindi maaring maantala ang pagpasa sa budget dahil nakapaloob doon ang recovery at rehabilitation plan ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.