LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang isang high value target at drug watchlisted personality sa Daraga, Albay matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Brgy. San Roque.

Napag-alamang dating pulis subalit nag-AWOL sa serbisyo si Zandro Oscillada, 47-anyos na residente ng Brgy. Tagas sa kaparehong bayan.

Matagal na umano itong nasa surveillance hanggang sa mapapayag na makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpakilalang buyer.

Ikinasa ang nasabing operasyon sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa kooperasyon ng Daraga PNP.

Kabilang sa mga narekober sa suspek ang 12 sachet ng pinaniniwalaang shabu, non-drug paraphernalia, P500 na tunay na pera at iba pang boodle money, maging ang cellphone na ginamit sa transaksyon.

Nai-turnover na rin ang mga ito sa PDEA Regional Office 5 para sa pagsusuri habang inihahanda na ang kasong kakaharapin ng suspek.