-- Advertisements --

Nilinaw ng pulisya na walang anumang pabigat na nakakabit sa katawan ng Ateneo de Manila University basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili nang sila ay malunod sa Dipaculao, Aurora.

Ayon kay Dipaculao Police Chief Major Eduardo Mendoza Jr., taliwas ito sa mga kumakalat na ulat sa social media na bahagi umano ng isang team-building activity ang pagkakabit ng pabigat sa dalawang atleta.

Aniya, batay ito sa ulat ng mga rumespondeng personnel ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at mga pulis.

Nauna namang sinabi ni Aurora Police Provincial Director Colonel Percival Pineda na wala silang nakitang foul play sa insidente at pinaniniwalaang tinangay ng malakas na agos ang dalawang atleta hanggang sa malunod.

Nangyari ang insidente sa isang beach resort bandang alas-2:40 ng hapon noong Lunes, habang natanggap ng pulisya ang ulat bandang alas-3:15 ng hapon.

Nanawagan naman ang Provincial Director sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon bilang paggalang at pakikiramay sa naiwang pamilya ng mga biktima.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Ateneo de Manila University sa pamilya ng dalawang basketball player.

Si Baterbonia, 19-anyos ay bagitong sumabak sa Palarong Pambansa finals at kinilala bilang Most Valuable Player (MVP) at nakatakdang maglaro sana para sa Blue Eagles, habang si Divine Adili, 21-anyos, ay isang Nigerian student-athlete na naglaro sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament noong nakaraang taon.