-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya si Atty. Harry Roque sa hindi pagtugon ng International Criminal Court sa isyu na umano’y ‘kidnapping’ ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyang pagdala sa kaniya sa The Hague, Netherlands.

Giit ni Roque, nakakadismaya na hindi ito tinalakay ng korte upang matugunan sana ang isyu ng hurisdiksyon ng international court sa kaso ng dating Pangulo.

Inihalimbawa ng dating kalihim ang kasong Ibrahim v. Minister, kung saan nagdesisyon ang Constitutional Court of South Africa at sinabing ang iligal na pag-aresto sa isang indibidwal ay tinatanggalan ang isang korte ng hurisdiksyon nito.

Giit ni Roque, hindi maaaring itama ang isang mali sa pamamagitan ng paggawa ng panibagong kamalian.

Sa unang pagharap ni dating Pangulong Duterte sa ICC para sa pre-trial hearing ng kaniyang kasong crimes against humanity, iginiit ng kaniyang legal counsel na si Atty. Salvador Medialdea na ang pag-aresto at tuluyang pagbiyahe kay Duterte patungong Netherlands ay isang extrajudicial rendition o hayagang matatawag na kidnapping.

Iginiit pa ni Roque na dapat tugunan ng ICC ang isyu ng legalidad ng pag-aresto sa dating Pangulo upang matugunan ang isyu ng hurisdiksyon nito sa kaso.

Katwiran ng ICC accredited lawyer, kung ang paraan para makakuha ang isang korte ng hurisdiksyon sa isang kaso ay sa pamamagitan ng kidnapping, ito aniya ay hindi tamang representasyon ng hustisya.

Matapos ang unang hearing, muli ring iginiit ni VP Sara Duterte sa isang press conference sa Netherlands na isang kidnapping ang ginawa sa dating Pangulo.

Lumutang si Atty. Roque sa Netherlands para umasiste sa unang appearance ng dating Pangulo sa pre-trial chamber.