Mariing itinanggi ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga ulat na humiling umano ang kanilang kampo ng limitasyon sa pagtanggap ng ID ng mga biktima na nais lumahok sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs.
Tinawag ni Kaufman na “kasinungalingan” ang pahayag nina human rights lawyers Joel Butuyan at Kristina Conti na tinanggihan ng ICC ang kanilang umano’y mungkahi na limitahan ang mga tinatanggap na ID tulad ng national ID o pasaporte.
Aniya, ang kanilang ipinasa ay mga observations lamang base sa mga requirement ng Social Security System (SSS) ng Pilipinas, at hindi umano nila hiniling sa ICC judges.
‘That’s all we did, we made observations. We didn’t make a request which was rejected. That’s a big lie,’ saad nito.
Ngunit ayon kina Conti at Butuyan, kinatigan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang desisyong huwag limitahan sa national ID at pasaporte lamang ang mga dokumentong magpapatunay ng pagkakakilanlan ng mga biktima, dahil karamihan umano sa kanila ay mahihirap at walang ganong mga ID.
Mababatid na ang nasabing desisyon ay bahagi ng 20-pahinang ruling ng ICC Pre-Trial Chamber I na ipinalabas noong Abril 17, na nagpapahintulot sa paggamit ng iba pang government-issued IDs sa pagkilala sa mga biktima ng ‘drug war.’