-- Advertisements --

Kinontra ni Atty. Gilbert Andres ang pahayag ng kampo ni Sen. Ronald Dela Rosa na walang legal framework para sa pagsuko ng senador, sa gitna ng napabalitang lumabas na ang kaniyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Andres, na isa sa mga ICC-accredited lawyer, sapat ang probisyon ng R.A. 9851 na kilala rin sa tawag na Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, para sa pagsuko ng senador.

Ang naturang batas aniya, ay dati nang ipinasa ng Kongreso bago pa man naging state party ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.

Hindi rin aniya akma na gamitin ng kampo ni Sen. Bato ang Article 88 at Art 89 ng Rome Statute para hindi agad dalhin o i-surender ng pamahalaan ng Pilipinas si Sen. Bato, sakali mang mayroon na siyang warrant at tuluyang maaresto.

Paliwanag ni Atty. Andres, hindi na ‘applicable’ ang dalawang probisyon dahil hindi na bahagi ng ICC ang Pilipinas, kasunod ng pag-alis ng bansa mula sa tribunal noong panahon ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Bagaman mahirap aniya itong tanggapin ng kampo ni Sen. Bato, ito ay isang ‘unintended legal consequence’ ng pag-alis ng Pilipinas mula sa international court, na posibleng hindi rin inasahan ng nakalipas na administrasyon.

Nanindigan din ang batikang abogado na may sapat na basehan para isurender ng Pilipinas si Sen. Bato, kung sakali mang mayroon na siyang warrant at kinalaunan ay maaresto, tulad ng naunang nangyari kay dating Pang. Rodrigo Duterte.