-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Atty. Israelito Torreon na hindi nagtatago si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Ito ay sa kabila ng dalawang araw na nitong pagliban sa Senado mula noong bumalik ang sesyon ng mataas na kapulungan.

Ayon kay Torreon na tumatayong abogado ni Dela Rosa, nangangalap at nagbeberipika lamang ang senador sa mga impormasyon kaugnay sa umano’y warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Giit ni Torreon, hindi nagtatago ang kaniyang kliyente at sa halip ay bineberipika lamang niya ang mga nakukuhang impormasyon, lalo at magkakaiba ang mga mensaheng ibinibigay ng kasalukuyang administrasyon.

Nanindigan ang abogado na ‘natural’ lamang na maghanap siya ng katotohanang bumabalot sa arrest warrant dahil ito ang gagabay sa kaniya, lalo na at nakataya dito ang proteksyon sa kaniyang karapatan.

Binatikos din ng abogado si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na aniya’y tila nagsisilbing “unofficial spokesperson” ng ICC matapos nitong sabihin na may inilabas nang arrest warrant ang ICC laban sa senador.

Nitong nakalipas na lingo nang sabihin ni Remulla na mayroon nang warrant laban ka Bato. Muli itong natanong ngayong lingo ukol sa naturang warrant, bagay na kaniya ring pinanindigan.