-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakahanda umanong ipatupad ng Department of Agriculture (DA) ang mas maigting na quaratine checkpoint at iba pang hakbang matapos na magpositibo sa African Swine Fever (ASF) virus ang mga pinag-aralang blood sample mula sa mga namatay na baboy sa Rodriguez, Rizal.

Ito ay kahit nauna nang iginiit ng DA na ligtas mula sa nasabing virus ang mga alagang baboy sa iba pang panig ng bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DA Secretary William Dar na maliban sa pinaigting na quarantine checkpoint ay ipinag-utos na rin nito sa mga regional at provincial offices ang mahigpit na monitoring at surveillance sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Ayon kay Dar, kahit noong wala pang kumpirmasyong namatay dahil sa ASF ang mga alagang baboy sa Rizal ay ipinatupad na nila ang mga hakbangin kaya walang dapat na ipag-alala ang publiko.

Maliban pa rito, una nang sinabi ng kalihim na hindi naman apektado ang mga commercial hog raisers sa bansa at ilang backyard hog raisers lamang ang apektado ng ASF.