Napikon si Top Rank promoter Bob Arum sa pag-uungkat nina Sen. Manny Pacquiao at coach Freddie Roach sa premyo at sweldo sa naganap na Jeff Horn fight.

Ayon kay Arum, hindi ito dapat maging issue at nandiyan naman daw ang pera at naka-ready na.

Paliwanag pa ng beteranong promoter, naganap ang laban sa Australia at hindi sa Las Vegas kaya may mga proseso pa raw itong dinaanan.

Sinisisi naman ni Arum si Roach sa pagiging madaldal dahil sa pagpapalaki sa isyu.

Aniya, alam naman daw ni Roach na ang kausap niya sa usapin ay ang agent nito na si Nick Khan.

Sa katunayan ayon kay Arum ipinadala na nila kay Freddie ang tseke at natanggap na raw kaninang umaga sa pamamagitan ng FedEx.

Ang para naman daw kay Pacquiao ay ipapadala nila sa pamamagitan ng “wires.”

Ilang emails na raw ang kanilang ipinadala sa kampo ni Pacman hanggang nitong araw subalit wala pa silang natatanggap na kasagutan.

Muli rin naman tiniyak ng Top Rank big boss na lahat ng dapat na swelduhan matapos ang nasabing laban ay mabibigyan.

Una nang lumutang na aabot sa $10 million ang purse money ni Manny sa pagkatalo niya kay Horn.

Nabanggit naman ni Arum kamakailan na maaaring tumungo siya ng Pilipinas upang kausapin si Pacquiao kung itutuloy ba ang rematch kay Horn.

Kahapon may statement ang fighting senator na hindi pa siya magreretiro dahil hindi pa nawawala ang “passion” niya sa sports na kanyang minahal ng husto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here