CENTRAL MINDANAO-Hinigpitan pa ngayon ng mga otoridad ang seguridad sa Cotabato City.

Ito ay kasunod nang panghahagis ng granada sa mga tauhan ng 5th Special Forces Battalion Philippine Army na bumibili lamang ng pagkain sa Sinsuat Avenue Barangay Rosary Heights 6 sa siyudad.

Masuwerteng hindi sumabog ang granada at mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo.

Naniniwala naman si 5th Special Forces Bn Commander at Defuty Task Force Kutawato Chief Lieutenant Colonel Randy Banaag na posibling paghihiganti ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang panghahagis ng granada pagkatapos masawi ang anak at kapatid ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife sa inilunsad na Focus military operation ng Joint Task Force Central sa Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Kasama ang 12th Special Forces Company ng 5th SFB na tumutulong sa pagtugis ng mga terorista sa Maguindanao.

Sa ngayon ay todo bantay ang militar at pulisya sa mga entry at exit point sa Cotabato City.