Inalala ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga personal encouragement sa kaniya ng namayapang si Pope Francis noong mga panahon ikinasa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang madugong kampaniya kontra iligal na droga.
Pagsasalaysay ng arsobispo, sa mga panahong iyon ay nakatanggap siya ng mga banta at pangungutya mula sa Duterte administration dahil sa kaniyang hayagang pambabatikos at pagkuntra sa umano’y extrajudicial killings (EJKs).
Ibinahagi ni Villegas kung paano siya hinimok ng Santo Papa na manatiling matatag sa kaniyang misyon na gabayan ang kaniyang mga kawan, sa kabila ng lumalalang pressure mula da pamahalaan.
Noong mga panahon aniya na sunod-sunod ang natatanggap na pangungutya at banta mula sa mga government authorities, personal umano siyang hinimok ng namayapang Santo Papa na magpatuloy lamang sa ginagawa, lalo na ang regular na paglalabas ng mga pastoral leter.
Maalalang noong nakalipas na administrasyon ay isa si Villegas sa mga naging kritiko ng madugong drug war.
Bilang presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong 2017, naglabas siya ng ilang mga statement na kumukundena sa umano’y talamak na EJK na nangyayari sa ngalan ng drug war.
Kabilang dito ang isang pastoral letter kung saan hinihimok niya ang mga simbahan na patunugin ang mga kampana o church bells sa loob ng 40 gabi bilang tanda ng pagluluksa at protesta.