Hinikayat ni Apostolic Nuncio to the Philippines, Most Rev. Charles Brown ang mga Katoliko na magsimula ng pagbabago laban sa katiwalian.
Ginawa nito ang panawagan kasabay ng ginanap na banal na misa kahapon, Setyembre 21, sa Sto. Tomas de Villanueva Parish, Danao City, Cebu na kanyang pinangunahan.
Sa kanyang homily, binigyang-diin ng Papal Nuncio ang mensahe ng Ebanghelyo na tumatalakay sa isang hindi tapat na tao na maihahalintulad sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, kung saan ang katiwalian ay patuloy na isang malaking hamon.
Aniya, habang isinusulong ng mga rally ang pagbabago, nawa’y maging ilaw pa umano ito ng pag-asa tungo sa landas ng katapatan at katarungan.
“In the context of what’s happening in the Philippines, it’s amazing that in God’s plan, this is the Gospel we’re reading this morning, about a dishonest, corrupt official. We think about the demonstrations that are going on in the Philippines today, in different places. We think about the plague of corruption,” saad pa nito.
Hinimok pa niya ang lahat na tingnan ang sandaling ito hindi lamang bilang isa pang kabanata sa kasaysayan, kundi bilang isang mahalagang sandali para sa pagbabago.
” We hope that today will be a moment in which the nation begins to change, in which we set a new course away from corruption, towards more transparency and more fairness. It’s amazing that the Gospel is about corruption today,” dagdag ng Papal Nuncio.
Nanawagan naman ang Apostolic Nuncio na magkaisa ang mga Pilipino sa pagtulong sa mga mahihirap, at ang pagninilay na inaalala ng ating Panginoon ang bawat isa.
Binigyang-diin din niya ang napakahalagang misyon ng pangangalaga sa mga mahihirap, na hinihimok ang mga mananampalataya na kumuha ng inspirasyon sa buhay ni Sto. Tomas de Villanueva.
















