-- Advertisements --

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang apela ng kampo ni Rappler CEO Maria Ressa kaugnay ng naging hatol ng Manila Regional Trial Court (RTC) sa kanyang cyber libel case.

Partikular ang kasong isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng noong taong 2012 laban kay Ressa at kay Rappler researcher-writer Reynaldo Santos Jr.

May kaugnayan ito sa artikulo ng Rappler na sinasabing pinagamit ni Keng ang sasakyan nito kay dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.

Sa desisyon ng korte noong June 2020, hinatulan ng anim na taong pagkakakulong sina Ressa at Santos.

Gayunman, dinagdagan ng CA ang hatol at ginawa itong anim na taon at walong buwang pagkakakulong.

Inaasahan naman na iaapela ng kampo ni Ressa sa Korte Suprema ang pagkakabasura ng Appelate Court sa kanyang motion for reconsideration.