Nanawagan ang Palasyo ng Malakanyang sa Senado na pakinggan ang panawagan ng business community na bilisan ang impeachment trial ni VP Sara Duterte para mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at kumpiyansa ng mga investors na mamuhunan sa ating bansa.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, mismong mga nasa business sector na ang naaalarma sa pagdelay sa impeachment trial kaya dapat aksiyunan na ito ng Senado.
Sinabi ni Castro na hindi talaga nanaisin ng mga investor na mag invest ng negosyo sa bansa kung ang isang lider ay inaakusahan ng korapsyon at tila kinakampihan pa ng ilang mga senator-judges.
Pinasinungalingan din ni Castro ang naging pahayag ni VP Sara na bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Castro na gumaganda ngayon ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Malaking tulong dito ang pagtanggal ng Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force na siyang nakapagbigay ng mataas na investor confidence.
Ibinida din ni Castro ang ulat ng Asian Development Bank (ADB) na-maintain ng Pilipinas ang napakagandang economic outlook ng bansa para sa taong 2025.
Ang pahayag ni Castro ay tugon niya sa naging pahayag ni House Impeachment Spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy na maaaring maapektuhan ang investor confidence kung masyadong matagalan ang proseso sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Samantala, nirerespeto ng Malakanyang ang panawagan ng business community na bilisan ang impeachment trial ni VP Sara.
Gayunpaman muling binigyang-diin ni Usec Castro na hindi manghihimasok si Pangulong Marcos sa impeachment process sa Senado.
Subalit nais ng Pangulong Marcos na sundin ng senado ang Konstitusyon at rule of law hinggil sa impeachment.