-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagsimula na ang inspection ng National Police Commission (Napolcom) region VI ngayong araw ng Martes sa mga kapulisan na sakop ng Aklan Police Provincial Office.

Ayon kay P/MSgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan PPO, mag-iikot ang Napolcom officers sa bawat municipal police station sa buong lalawigan ng Aklan upang suriin ang mga PNP personnel, kagamitan at iba pa.

Sakali aniya na may mapansin ang mga ito na kamalian ay may kaakibat itong consequence sa bahagi ng PNP personnel.

Dagdag pa ni PMSgt. Vega, ito ay regular duty ng Napolcom na sumuri kung nasa tama ang mga police officers gaya ng kanilang appearance, hindi nakasuot ng faded uniforms, maayos ang service firearms at iba pa.

Ang Napolcom aniya ang organisasyon na sumusuri sa mga kapulisan kung sila ay disiplinado, maayos na nagtatrabaho at sumusunod sa rules and regulations ng Philippine National Police.

Maliban dito, ang taunang NAPOLCOM Inspection and Assessment Program (NAIAP) ay naglalayong suriin at pag-aralan ang epekto ng deployment ng tauhan sa crime rate at crime solution efficiency, magbigay ng rekomendasyong nakabatay sa datos, tukuyin ang mga potensyal na problema, at punan ang mga puwang sa pulisya.