Ikinababahala ng Canned Sardines Association of the Philippines na maaaring mabawasan ang suplay ng murang de-latang sardinas sa merkado dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon.
Ayon sa grupo, tatlong taon nang hindi inaaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hinihiling nilang P3 na dagdag sa Suggested Retail Price (SRP) ng sardinas.
Dagdag pa ng Executive Director ng asosasyon na si Francisco Buencamino, hindi bumababa ang supply ng sardinas sa bansa, ngunit maaaring mabawasan ang produksyon ng mga low-cost o “economy” products kung hindi papayagan ang umento.
Maraming Pilipino aniya, ang umaasa sa de-latang sardinas bilang pangunahing pagkain, lalo na sa panahon ng kakapusan sa pera.
Paliwanag ng DTI, wala pa silang aprubadong SRP at patuloy ang ginagawang pakikipag-usap sa mga manufacturer upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Samantala nakatakdang makipagdayalogo ang DTI sa mga manufacturer sa susunod na linggo.