-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tunay na masayang Pasko ang naranasan ngayon ng kampo ni dating Butuan City Mayor Ferdinand Amante Jr. matapos baliktarin ng Korte Suprema ang desisyon ng Sandiganbayan sa kasong graft kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagdala at pag-install ng donated na Positron Emission Tomography/Computed Tomography (PET/CT) scan machine sa Butuan Medical Center (BMC).

Ayon sa legal counsel ng dating alkalde na si Atty. Froilan Montero, ang desisyon ng First Division ng Korte Suprema sa kanilang apela ay nagpawalang-bisa sa naunang desisyon at resolusyon ng Sandiganbayan na naghatol sa dating alkalde ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong.

Dagdag pa ni Atty. Montero, sa pagtalakay pa lang ng Sandiganbayan sa kaso, sinuri na nila ang mga ebidensya at ikinatuwa ng kanilang kampo na nakita ng Korte Suprema ang bigat at halaga ng mga argumento ng depensa, na nagbunga ng pag-absuwelto sa naturang kaso at nag-acquit sa dating mayor.

Dito rin umano napatunayang walang katotohanan ang desisyon ng Sandiganbayan na nagsasabing nagpabaya ang dating alkalde sa paggastos ng ₱15 milyon upang maihatid at maikabit sa Butuan Medical Center ang nasabing makina na hindi agad gumana dahil kailangan pa ng teknikal at software support.

Ito’y lalo na’t may inisyal na hakbang ang nag-donate na World Medical Relief, Inc o WMRI na palitan o kaya’y ire-imburse na lang ang naturang halaga na hindi naman tinanggap ng pumalit na administrasyon dahil nga sa kasong isinampa nila laban sa dating mayor.