Isa si mismong Aparri, Cagayan Mayor Bryan Dale Chan sa mga pinangalanang person of interest ng Philippine National Police sa pananambang kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero 2023.
Ito ang inihayag ni Police Lieutenant Colonel Arbel Mercullo sa ginanap na Senate inquiry hinggil sa nasabing krimen kung saan binanggit din niya na itinuturing din na persons of interest sa krimen ang iba pang mga indibidwal na may kaugnayan sa alkalde.
Paliwanag ni PLCOL Mercullo, ang ikinokonsidera ngayong person of interest si Chan nang dahil sa posibilidad nang angulong politikal sa naturang pananambang.
Isa rin aniya sa mga POI ay si Darren Cruz Abordo na siyang nagmamay-ari ng get-away vehicle na ginamit sa naturang krimen ngunit sa ngayo hindi na ito mahanap pa.
Ngunit sa kabila nito ay sinagot naman ni Aparri, Cagayan Mayor Chan na dalawa sa mga nabanggit na pangalan ni Mercullo ay hindi nya kilala.
Samantala, sa kaparehong pagdinig ay sinabi naman ng may bahay ng yumaong bise alkalde na si Elizabeth Alameda na dati nang pinagbabantaan umano ni Chan ang mga taong magtatangkang maghahain ng kaso laban sa kaniya, kabilang na ang kaniyang asawa.
Bagay na mariin namang pinabulaan ng Alkalde kasabay ng pagdepensa na wala siyang anumang natatanggap na anumang reklamo inihain laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Kung maaalala, patay sa pananambang ng armadong grupo ang van na sinasakyan ni Alameda kasama ang lima pang indibidwal sa Sitio Kinacao, Barangay Beretbet sa munisipalidad ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, patungo ang mga biktima sa Maynila nang paulanan sila ng bala ng naturang grupo.