Ibinunyag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang lokasyong bansa ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa naganap na pulong balitaan, inihayag ni Justice Secretary Remulla na kasalukuyang nasa Europa ang naturang kongresista.
Aniya’y may mga impormasyon silang natatanggap na makapagsasabing nasa bahagi ito ng Europa, marahil sa bansang Spain o France.
Ngunit kalauna’y pinanindigan ng kalihim na si Cong. Zaldy Co ay ngayo’y nasa bansang France nananatili matapos umalis ng Pilipinas para sa umano’y medical concern.
Maaalala kamakailan na naunang kinumpirma din ni Justice Secretary Jesus Remulla na inisyuhan na ang mambabatas o inilagay para sa Immigration Lookout.
Naisyuhan na aniya ito ng Immigration Lookout Bulletin Order kung kaya’t nakabantay o nakamonitor na ang Immigration sa pagbalik o paglabas man uli ni Co sa bansa.
Ngunit ibinahagi din ng kalihim na sila’y hihiling na sa INTERPOL o International Police Criminal Organization upang maglabas ito ng Blue Notice.
Layon aniya raw nito na makakalap o mabigyan sila ng impormasyon ukol sa tiyak na lokasyon at paggalaw ni Congressman Zaldy Co.
Ang naturang kongresista ay nasasangkot sa maanomalyang flood control projects na kabilang rin sa mga inirerekumendang makasuhan ng National Bureau of Investigation.