Nilinaw ng Malacañang na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang diskriminasyon sa lahat ng uri ng tao, miyembro man ng “LGBTQ” community o hindi.
Paliwanag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kung bakit hindi Sexual Orientation and Gender Identity or Expression (SOGIE) Bill ang isesertipika ni Pangulong Duterte bilang urgent measure.
Sinabi ni Sec. Panelo na may mga panukalang batas naman gaya ng Anti-Discrimination Bill na mas malawak ang sakop.
Ayon kay Sec. Panelo, gaya ng ipinatutupad sa Davao City na bawal ang diskriminasyon sa mga bata, may mga kapansanan at mga miyembro ng LGBTQ o mga bakla, tomboy o bisexual.
Katulad aniya ng inihayag Senate President Tito Sotto III, posibleng magkaproblema sa “class legislation” o ang pagbuo ng batas na para lamang sa partikular na grupo ng tao dahil ito mismo ay posibleng diskriminasyon naman sa ibang mga grupo.
Ipinaliwanag ni Sec. Panelo na hindi naman dapat madismaya ang mga miyembro ng LGTBQ community kung hindi ang SOGIE Bill ang sisertipikahang urgent ni Pangulong Duterte, dahil sakop pa rin sila ng Anti-Discrimination Bill.