Nagpahayag ng pagkabahala ang Kapamilya actress-host na si Anne Curtis sa social media kaugnay ng sunod-sunod na malalalang aksidente sa kalsada na kumitil ng maraming buhay, kabilang ang mga bata.
Sa isang Facebook post noong Linggo ng gabi, Mayo 4, sinabi ni Anne, ”Seeing so many vehicle accidents on the news with lives tragically taken. So many young lives being taken away so soon.”
Ang kanyang pahayag ay kasunod ng trahedyang naganap sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 kung saan namatay ang isang apat na taong gulang na bata at isang 28-anyos na lalaki matapos araruhin ng SUV ang departure entrance ng paliparan. Apat pa ang nasabing nasugatan na nagpapagaling pa sa ospital hanggang ngayon.
Bagaman hindi tinukoy ang insidente, umaasa si Anne na magsilbing “wake-up call” ito para sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng safety at licensing standards sa mga driver at sasakyan.
Nagpahatid din siya ng pakikiramay sa mga naulila: “My heart goes out to all those left to grieve for their parents, significant other, family member and their children.”
Marami naman ang pumuri sa aktres dahil sa kanyang plataporma upang magpahayag laban sa kapabayaan sa kalsada at umani ito ng 199,000 na reactions, 1,400 comments, at halos 20,000 ang nag shares.
Bukod sa NAIA incident, matatandaan na isa pang malagim na banggaan ang naganap sa SCTEX, Tarlac City noong Mayo 1 kung saan 10 katao, kabilang ang apat na menor de edad, ang nasawi at 30 ang sugatan.