CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagalit at ikinalungkot ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang pagkahuli ng kaniyang panganay na anak dahil sa pagbebenta umano ng ipinagbabawal na drogang ecstasy sa Angeles City, Pampanga.
Sa mensahe na kaniyang ipinaabot sa Bombo Radyo, sinabi ni Moreno na kaniya itong ikinalungkot sa kadahilanan na nakakasira ito sa kanilang integridad at reputasyon.
Ngunit, bilang isang ama kaniya umanong susiguraduhin ang kaligtasan ng kaniyang anak habang ito’y nasa loob ng piitan.
Hindi rin siya mag-atubili sa pagbibigay ng legal assistance sa kaniyang anak na si Sean Moreno, 43-anyos.
Napag-alaman na nahuli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Luzon si Sean kasama ang pitong iba pa sa isinagawa nitong drug buy bust operation sa isang 4-star hotel sa Brgy. Malabanias, Angeles City.
Sinabi ni PDEA Region III Director Gil Pabilona, aabot sa 310 na ecstasy tablets ang kanilang nakuha mula sa posisyon ng mga suspek na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Kabilang sa mga nahuli ay sina Bernice Fabiosa, 21; Ma. Isabel Lawas,19; Aileen Baldon, 23; Jamie Mendoza, 20; Jessa Scott, 19; Bernadeth Saavedra,19; at Gregorio Imperial, 26.
Base umano sa natanggap na impormasyon ng PDEA, ang grupo ni Sean Moreno ang siyang supplier ng party drugs sa Angeles City at karatig na mga lugar.