Iniimbestigahan na ngayon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ilang pangalan ng mga kontratistang sangkot umano sa iregular na flood control projects, ayon kay Bangko Sentral Governor at AMLC Chairman Eli Remolona.
Sa isang panayam, sinabi ni Remolona na tumatanggap ang AMLC ng mga suspicious transaction reports mula sa mga bangko, at kapag may lumilitaw na pangalan, agad nila itong sinisiyasat.
Aniya, marami na silang tinitingnan ngayon.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 15 kontratista lamang ang nakakuha ng 20% ng halos 10,000 flood control projects mula noong 2022.
Dahil dito, nagbabala ang isang mambabatas sa Kamara na magpapatawag ng mga opisyal, kontratista, at mambabatas kung mapatunayang sangkot sila sa mga anomalya sa flood control o iba pang infrastructure projects.
Samantala, inatasan na ng Commission on Audit (COA) ang in-person technical inspection ng lahat ng flood control projects sa Bulacan.
Bilang bahagi ng reporma, inilunsad ng ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang DBM at DICT ang isang online portal kung saan maaaring masubaybayan ng publiko ang progreso at pondo ng mga flood control projects sa bansa.