Inilagay na sa watchlist ng Bureau of Immigration (BI) si pastor Jeremy Keith Ferguson, isang Amerikanong pastor na founder at director ng child care facility sa Pampanga matapos siyang masangkot sa kasong child abuse ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naging pahayag kay Megan Manahan ng DSWD Standards Bureau, sinabi nitong ang hakbang ay para matiyak na dadalo si Ferguson sa lahat ng pagdinig sa korte.
Naaresto si Ferguson noong Agosto 13 at nahaharap sa dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act, na may piyansang P160,000.
Ngunit giit ni Manahan na kahit makapag piyansa ay hindi siya maaaring palayain dahil may kaukulang kaso rin umano ito sa immigration.
Iniulat pa ng DSWD na nakatanggap sila ng ulat ng physical, verbal, at psychological na pang-aabuso sa mga bata sa pangangalaga ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga, Inc. (NLBCMPI), ang pasilidad na pinamumunuan din ni Ferguson.
Sa ngayon, nailipat na ang 158 bata sa isang pasilidad ng DSWD sa Lubao, Pampanga para sa pangangalaga at suporta.
Samantala, umaapela naman si pastor Reuben Abante, isang kilalang lider-Baptist, sa DSWD na muling suriin ang mga paratang laban kay Ferguson.
Ayon sa kanya, wala umanong reklamo o kaso laban kay Ferguson sa pulisya sa Mexico, Pampanga, at iginiit niyang may mabuting reputasyon ang pastor at ang kanyang pasilidad.
‘At the PNP detention facility in Mexico, Pampanga, I met Police Lt Col Pearl Joy Gollayan and talked with her at her office. She confirmed that Pastor Jeremy Ferguson, the New Life Baptist Church and their orphanage have good standing repute before them.. They do not have any records of complaints, even cases filed against Pastor Ferguson in their record,’ pahayag pa sa post sa social media ni pastor Abante.
Mariing itinanggi din ni Ferguson ang mga alegasyon at sinabing ikinagulat nila ang ginawang “raid” ng DSWD na walang ipinakitang arrest warrant.