Tiniyak ng Estados Unidos na dadagdagan nila ang pondo para sa mga EDCA sites, ito ay bukod pa sa $82-milyong dolyar na kanilang unang inilaan para sa limang orihinal na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Ang pahayag ng US Department of Defense (DOD) ay kasunod ng pag-anunsyo kahapon ng Malacañang ng mga lokasyon ng apat na panibagong EDCA sites.
Ayon sa Pentagon, ang karagdagang pamumuhanan sa mga EDCA sites ay hindi lang pangsuporta sa “alliance commitments,” kundi makatutulong din sa lokal na ekonomiya.
Sinabi ng Pentagon na makikipagtulungan sila sa Department of National Defense (DND) ng Pilipinas para mapabilis ang pagsulong ng mga modernization projects sa mga tinukoy na lugar.
Ang apat na dagdag na EDCA sites ay mga sumusunod: Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; Balabac Island sa Palawan; at Lal-lo Airport in Cagayan.
Sinabi pa ng US Department of Defense na ang mga bagong lokasyon ay magpapalakas sa interoperability ng Armed Forces ng dalawang bansa, na magpapahintulot sa mas mabilis na pagresponde sa mga hamon sa rehiyon, kabilang ang pagtugon sa mga natural na kalamidad.
















