-- Advertisements --

Napanatili ang inflation rate o ang pagtaas sa pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa bansa noong Oktubre ng kasalukuyang taon.

Sa isang pulong balitaan ngayong Miyerkules, Nobiyembre 5, iniulat ni PSA USec. at National Statistician Dennis Mapa na nananatili sa 1.7% ang inflation rate noong nakalipas na buwan, kapareho nang naitala noong Setyembre 2025.

Ayon sa PSA chief, mas marami ang mga bumabang presyo noong Oktubre kumpara noong Setyembre.

Aniya, nasa apat na pangkat ng pagkain ang nakapagtala ng mas mabagal na pagtaas sa presyo noong Oktubre kabilang ang karne partikular na sa karne ng baboy, gatas at iba pang dairy products at itlog gayundin ang mga gulay, tubers at iba pa partikular ang repolyo at ready made products.

Nagdala naman ito sa year-to-date national average mula Enero hanggang Oktubre sa 1.7%.

Samantala, ayon kay USec. Mapa, patuloy nilang imomonitor ang posibleng “threats” o mga banta sa inflation ngayong “ber” months na partikular ngayong Nobiyembre at sa Disyembre.

Partikular dito ang transport basket gaya ng fuel, sa food basket naman ay sa isda, karne at gulay na sensitibo sa weather condition lalo na ngayong may bagyo sa bansa.