Naniniwala ang Malacañang na hindi pa sarado ang posibilidad na tanggapin ni Vice President Leni Robredo ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging drug czar.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, baka posibleng kakagatin din ni Pangulong Duterte ang hamon ng oposisyon na imbes na anim na buwan ay tatlong taon ng maging drug czar si VP Robredo.
Ayon kay Sec. Panelo, baka bukas o makalawa ay may ilalabas ng official document ang Office of the Executive Secretary (OES) para sa alok na ito sa pangalawang pangulo.
Samantala, iginiit naman ni Sec. Panelo na hindi pang-iinsulto ang ginawa nitong pag-text lamang kay VP Robredo at hindi idinaan sa formal letter ang pagpapasabi kaugnay sa alok na trabaho ni Pangulong Duterte.
Inihayag ni Sec. Panelo na ginawa lamang nito bilang kaibigan at kapwa Bicolano ni VP Robredo.
Kanina, ilang beses pang tinatawagan ni Sec. Panelo ang cellphone number ni VP Robredo pero hindi ito sumasagot, bagay na hindi naman daw minasama ng kalihim.