Buo na ang desisyon ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na maghain ng reklamo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa kumpaniya ni Marikina Representative Bayani Fernando.
Ito ay dahil sa reclamation project na ginagawa umano ng kumpanya ni Fernando sa bahagi ng Marikina River na pinaniniwalaang dahilan kung bakit binaha sa nasabing lungsod noong kasagsagan ng bagyong Ulysses.
Wala raw kasing permiso mula sa lokal na pamahalaan ang reclamation project ng BFCT Corporation dahil bigo umano itong makakuha ng environment compliance certificate mula sa DENR.
Sinabi ni Teodoro na malinaw ang batas na nagsasabing ang anumang environmentally critical project ay nangangailangan ng ECC at walang sinumang indibidwal o korporasyon ang maaaring magsagawa ng development o pagbabago ng nasabing ilong kung walang kaukulang ECC.
Importante umano para sa alkalde na maitama ang alignment ng Marikina River dahil bahagi ito ng long term solution at permanent solution upang kung hindi man maiwasan, ay mababawasan naman ang pagbaha.
Tahimik naman ang kampo ni Fernando tungkol dito subalit naninindigan pa rin ito na walang ginagawang reclamation project ang kaniyang kumpanya.
Magugunita na itinuro ni Fernando sa Department of Public Works and HIghways (DPWH) ang artificial embankmenr sa Marikina River bilang parte raw ng kanilang flood control project.
Mariin naman itong pinabulaanan ng DPWH-National Capital Region. Anila wala silang sapat na quipment o manpower sa nasabing lokasyon. Pinabulaanan din nito na mayroong private contractor sa proyekto.
Aminado naman ang DPWH na mayroon silang ginagawa na flood control project pero ito ay matatagpuan sa Batasan Hills sa Quezon City.