ILOILO CITY – Ikinagalit ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang tila pagmamaliit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs) sa gitna ng krisis na hinaharap dahil sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na isang pananakot ang ginagawa ng nasabing ahensya kung saan nagbabanta ito na sasampaan ng kaso ang mga local chief executives na hindi sumusunod sa ipinalalabas na mga direktiba kaugnay sa mga programa ng gobyerno gaya ng social amelioration program.
Ayon kay Treñas, panay rin ang pagpapalabas ng memorandum at banta ng suspension.
Dagdag pa ng alkalde, pagod na siya sa ginagawa ng national government agencies kung saan sa bawat galaw ng LGU, may nakikitang mali ang mga ito.
Aniya, kung nais ng DILG at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sila ang magbibigay ng tulong sa mga tao na apektado ng enhanced community quarantine, mas mabuti pang tutulong na lamang ang LGU.
Napag-alamang hindi ito ang unang bes na dismayado si Trenas sa national government agencies kung saan una rin nitong pinasaringan ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH).