-- Advertisements --

Nauwi sa gulo ang parliament ng Albania matapos ang bangayan sa oath-taking ng bagong Ombudsman na si Endri Shabani. Sa video ng Reuters, makikitang nagprotesta ang ilang mambabatas at nagsindi pa ng flares, pati na rin ang paghahagis ng papel at bote laban sa pamunuan ng mayoryang Socialist Party.

Napagalaman na nag-ugat ang tensyon ukol sa kontrobersyal na pagkakahalal kay Shabani, na halos pawang Socialist Party lamang ang sumuporta.

Lalo pang tumindi ang alitan dahil sa kasalukuyang mga imbestigasyon sa katiwalian, kabilang ang kaso laban kay Deputy Prime Minister Belinda Balluku na inaakusahan ng pang-aabuso sa kapangyarihan ukol sa mga infrastructure projects. Itinanggi ni Balluku ang mga paratang, na suportado naman ni Prime Minister Edi Rama.

Kasabay nito, iniimbestigahan din ang umano’y manipulasyon sa mga kontrata sa National Agency of Information (AKSHI), kung saan dalawang opisyal ang inilagay sa house arrest.