Kumpirmado ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na natanggap na ng warden ng Pasig City Jail ang commitment order para sa paglilipat ng dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, sinisimulan na ng ahensya ang paghahanda para sa medical at laboratory examination ni Guo, isang karaniwang rekisito bago mailipat ang sinumang detainee sa ibang pasilidad.
Kapag nakakuha na siya ng medical clearance, inaasahang maisasagawa ang paglilipat sa loob ng linggong ito.
Matatandaang ibinasura ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 ang mosyon ng kampo ni Guo na manatili sa Pasig City Jail Female Dormitory, sa halip na maipadala sa CIW sa Mandaluyong.
Nahahatulan si Guo sa kasong qualified human trafficking, isang non-bailable offense na may mabigat na parusa sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
















