-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang manggagamot (quack doctor) kasunod nang pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Ulysses Manligro Merabueno, 49, may asawa at residente ng Sitio San Nicolas, Barangay San Vicente, Makilala, North Cotabato.

Ayon kay Makilala chief of police, Major Arnel Melocotones, lulan ang biktima sa kanyang minamanehong motorsiklo sa Purok 28, Brgy Poblacion, Makilala, Cotabato ng bigla itong dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang .38 revolver.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Makilala.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Nanggaling umano sa pamamalengke ang biktima sa Makilala Public Market at pauwi na sana sa kanyang tahanan nang sundan ng mga suspek at saka pinagbabaril.

Sa follow-up operation ng PNP-Makilala nahuli ang isa sa mga suspek na nakilalang si Robin Sarol Lonzaga, 55, may asawa at nakatira sa Purok 8, Barangay Sto. Niño, Makilala.

Narekober sa posisyon ni Lonzaga ang isang .38 revolver, mga bala at isang granada.

Sa ngayon nakapiit na ang suspek sa costudial facility ng Makilala PNP at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay habang pinaghahanap ng mga otoridad ang kasama nito.