-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi outbreak ang pagtaas ng mga kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ngayong taon.

Ipinaliwanag ni Health spokesperson ASec. Albert Domingo na ito ay dahil sa mas pinahusay pa na reporting o paguulat sa mga kaso ng naturang sakit.

Ayon sa DOH official, karamihan sa mga kasong naitala ngayong taon ay nananatiling suspected cases pa lamang at hindi pa kumpirmado o naisasailalim sa pagsusuri sa laboratoryo.

Bukod dito, pinaigting din ang vigilance o pagiging alisto sa mga eskwelahan, daycare centers at mga komunidad na nakatulong para mapataas pa ang reporting ng mga kaso na mahalaga sa contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng infected na indibidwal.

Ipinunto din ni ASec. Domingo na walang nasawi bunsod ng sakit at karaniwang gumagaling din sa loob ng 7 hanggang 10 araw.

Nauna na ngang iniulat ng ahensiya na tumaas ng pitong beses ang mga kaso ng HFMD ngayong 2025 kumpara noong kaparehong panahon noong 2024.

Ang Western Visayas ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng sakit, sinundan ito ng MIMAROPA, Central Luzon, Metro Manila at CALABARZON.

Bagamat walang kasalukuyang bakuna laban sa HFMD, binigyang diin ni ASec. Domingo ang pagsasagawa ng preventive measures gaya ng regular na paghuhugas ng kamay, pag-disinfect sa mga madalas na hinahawakan at pansamantalang pag-isolate sa may sakit na bata na karaniwang tinatamaan ng sakit.