KALIBO, Aklan – Tuluyan ng pinagbawalan na makapagmaneho ng anumang uri ng behikulo ang isang Aklanon content creator matapos na pinagbawalan siya ng Land Transportation Office region VI na makakuha ng driver’s licensed kasunod sa viral video nito na nakasuot lamang ng underwear, t-shirt at nag-ala superman stunt habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Aklan chief Engr. Marlon Velez, naiabot na nito sa vlogger na si Boy Kayak o Jimmy Catarata sa tunay na buhay ang resolution mula sa regional office kung saan, ito ang naging tugon ng tanggapan matapos ang naunang inilabas na show cause order.
Maliban dito, pinagmulta din siya ng P3,000 dahil sa pagmamaneho na walang lisensya habang naglalako ng isda bilang nangunguna niyang kabuhayan at P2,000 naman para sa Reckless Driving.
Ayon pa kay Engr. Velez, sakaling makita si Boy Kayak na nagmamaneho ng anumang uri ng sasakyan ay kaagad itong huhulihin.
Si Boy Kayak ay kilala sa kaniyang ibang videos na naka-underwear lamang habang gumagawa ng content.
Sa katunayan ay ipinatawag na rin ito ng lokal na pamahalaan ng Banga, Aklan matapos na pinag-usapan ang kaniyang video na sumasayaw habang naka underwear sa isa sa mga landmark area ng bayan.