-- Advertisements --

Nangako si Senate Finance Committee Chairman Senador Sherwin Gatchalian na hindi nila pahihintulutang maibalik ang Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP Program sa panukalang 2026 national budget. 

Ito ang inihayag ni Gatchalian sa pagbusisi ng pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ipinunto ni Gatchalian, na ang AKAP ay halos pareho ang tulong sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), maliban sa material at psychosocial assistance na tanging AICS ang mayroon.

Ipinakita rin ni Senador Gatchalian ang mga natuklasan mula sa Commission on Audit (COA) na nagsasabing ang AKAP ay naglaan ng mga hindi awtorisadong uri ng tulong at may mga indibidwal na hindi kwalipikado na nakatanggap ng tulong mula sa AKAP.

Binigyang-diin niya, gayunpaman, na ang AKAP ay isang inisyatiba ng House of Representatives at hindi ng DSWD.

Kaya naman iminungkahi ng senador na sa halip na buhayin muli ang AKAP, dagdagan na lang ang pondo sa AICS upang mapunan ang kakulangan. 

Sinang-ayunan naman ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na tila duplication ang AKAP sa AICS at sinabi niyang susunod sila sa magiging pasya ng Kongreso.

Ayon pa sa kalihim, may natitira pa namang pondo ang AKAP na hindi nagamit ngayong taon. 

Dahil dito, inalis ng Department of Budget and Management (DBM) ang AKAP at ilang proyekto mula sa DSWD 2026 budget, kaya bumaba ang budget ng Office of the Secretary sa P221 bilyon mula P362.3 bilyon.