Nagkwento ngayon ang Filipino American player na si Jordan Clarkson kaugnay nang karanasan ng kanilang team sa nangyaring pag-emergency landing ng kanilang chartered plane.
Inamin ni Clarkson, sa akala raw niya ay mamamatay na silang lahat.
Una rito, pagkatapos na mag-take off ng kanilang eroplano kahapon sa Salt Lake City sa Utah patungong Memphis, bigla na lang daw may narinig silang malakas na lagabog.
Nalaman nila na sumalpok pala ang kumpol ng mga ibon na nagdulot sa pagkasira ng engine ng eroplano at pag-apoy.
Ayon kay Clarkson, sa 30 segundo sa ere ay nagkatinginan sila at nasambit sa loob na baka katapusan na nila.
Sinabi naman ng Jazz point guard na si Mike Conley, sa akala rin niya ay sasabog ang eroplano.
Para kay Clarkson, naintindihan nila na hindi nakalaro kanina sa kanilang panalo kontra Grizzlies ang kanilang All-Star player na si Donovan Mitchell bunsod ng trauma.
“It got to that point where we were all on the plane like, ‘This might be really the end,'” ani Jazz sixth man Clarkson. “I mean it was a crazy situation… that’s a serious situation if you’ve never been faced with life and death.”
Samantala, makikita sa tagiliran ng Delta Airlines ang malaking butas, habang may wasak din na bahagi sa engine dala nang pagsalpok ng mga ibon sa eroplano.