-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang ganap na pag-cover at live na pag-broadcast ng lahat ng isasagawang condemnation o pagsira ng mga kontrabando na nakumpiska ng ahensya.

Ang direktiba na ito ay naglalayong magbigay ng mas malinaw at transparenteng proseso sa pagtatapon ng mga iligal na produkto.

Batay sa memorandum na pinirmahan ni Commissioner Nepomuceno noong Setyembre 3, mahigpit na inaatasan ang pagdalo ng mga kinatawan mula sa Intelligence Group at Enforcement Group sa bawat aktibidad ng condemnation.

Ang pangunahing layunin ng hakbang na ito ay upang palakasin ang integridad ng mga operasyon ng Bureau of Customs. Bukod pa rito, ito ay naglalayong magbigay ng malinaw na patunay sa publiko hinggil sa transparency at accountability ng ahensya sa paghawak ng mga nakumpiskang kontrabando.

Sa pamamagitan ng live coverage at kumpletong dokumentasyon, nais ng BOC na ipakita ang kanilang dedikasyon sa tapat at responsableng serbisyo publiko.

Kasama rin sa bagong panuntunan ang obligasyon ng lahat ng mga pasilidad na sangkot sa condemnation process na magsumite ng kumpletong video recording ng aktibidad sa Public Information and Assistance Division (PIAD) ng BOC.

Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na reporma sa loob ng Bureau of Customs.

Ito ay naaayon sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang pamahalaan na tapat, accountable, at makatao sa paglilingkod sa sambayanan.