-- Advertisements --

CEBU CITY – Hustisya pa rin ang sigaw ng pamilya ng biktima na tinadtad ang katawan bago itinapon sa isang lugar sa lungsod ng Cebu noong nakaraang taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu sa kapatid ng biktimang si Angelie Lopez na si Analou Lopez, umaasa itong hindi mabalewala ang pag-usad ng kaso upang tuluyang mapanagot ang responsable.

Ayon kay Analou, nailibing nila si Angelie noong Abril nitong taon na kulang pa ang ibang parte ng katawan nito.

Dagdag pa nito na noong Oktubre ng nakaraang taon nang lumabas ang balita tungkol sa tinadtad na katawan ng babae ngunit umabot pa ang halos dalawang buwan bago nila tuluyang nalaman na nawala si Angelie.

Pinuntahan nito ang bahay ng kapatid sa Mandaue City at nakausap nito ang asawa ni Angelie na si Harold Carillo Kintanar at sinabi umano nito na umalis si
Angelie dahil nag-away umano ang mga ito.

Kabilang sa nagtulak na hanapin ang kapatid, ay ang post umano sa Facebook account nito may kaugnayan sa kinakasama nitong lalaki, bagay na posibleng hindi magagawa umano ni Angelie.

Kaagad na naipa-blotter ni Analou ang pangyayari sa Subangdaku Police Station at dumating umano ang araw noong third week ng Enero ng kasalukuyang taon at nalaman nila na si Angelie ang babaeng tinadtad ang bangkay.

Nasa Prosecutor’s Office na ang kaso at umaasa ang pamilya Lopez na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kamag-anak.