Tiniyak ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa mga telecommunications companies at cyber practitioners upang paghandaan ang mga posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks.
Ayon kay Aguda, nagpulong ang DICT at ang mga kinatawan ng industriya noong panahon ng Undas upang talakayin ang mga hakbang pangseguridad sa internet.
Sinabi ni Aguda na mas mabuti nang maging handa kaysa magsisi sa huli.
Nilinaw ni Aguda na ang DDoS ay hindi isang data breach.
Aniya walang mawawalang data at walang mananakaw na acccount lalo na ang pera.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ang DDoS ay maihahalintulad sa traffic jam sa internet kapag sabay-sabay na nagpadala ng napakaraming request sa isang website o system, nagiging mabagal o pansamantalang hindi ma-access ang serbisyo.
Tiniyak din ng DICT na handa ang pamahalaan at ang mga critical infrastructure providers sa pagharap sa ganitong uri ng cyber attack.
May mga nakahandang anti-DDoS equipment at sistema ang mga service providers upang mabilis na maibalik ang normal na operasyon ng mga apektadong network.
Pinayuhan ni Aguda ang publiko na huwag mag-panic at manatiling mapagmatyag sa anumang online activity.









