Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nanatili sa 1.7% ang inflation rate ng Pilipinas nitong Oktubre.
Ayon kay PSA Chief National Statistician Claire Dennis Mapa, pareho ito sa naitalang antas noong Setyembre, ngunit mas mababa kaysa sa 2.3% na inflation noong Oktubre 2024.
Pangunahing sanhi ng inflation noong Oktubre ang pagtaas ng presyo ng galunggong, upa sa bahay, at bayarin sa kuryente.
Samantala, bumabagal pa rin ang inflation sa bigas, na may -17% na inflation rate noong nakaraang buwan.
Sa Metro Manila, bahagyang tumaas ang inflation sa 2.9% mula sa 2.7% noong Setyembre.
Dahil ito sa mas mataas na singil sa kuryente at presyo ng pagkain sa mga restaurant at café.
Sa labas naman ng NCR, bumaba ang inflation sa 1.3% dahil sa pagbaba ng presyo ng pagkain.
















