Tumaas pa ang bilang ng mga stranded na indibidwal sa mga pantalan sa bansa ngayong araw ng Lunes, Nobiyembre 3 kasabay ng muling pagdagsa ng mga pasaherong magsisibalikan sa kani-kanilang trabaho matapos ang Undas.
Ito ay bunsod na rin ng bagyong Tino na nakakaapekto sa ilang parte ng bansa.
Base sa monitoring ng PCG kaninang umaga, umabot sa 2,480 pasahero at drivers ang naitalang stranded sa mga pantalan sa Central Visayas, Southwestern Mindanao, Southern Tagalog, Bicol, Eastern Visayas at Southern Visayas.
Maliban dito, may 44 barko, isang motorbanca at 700 rolling cargoes ang stranded habang pansamantalang nakikisilong ang nasa 223 barko at 117 motorbancas.
Samantala, in-activate na ng PCG ang kanilang deployable Response Groups para rumesponde sa mga posibleng epekto ng bagyo.
Hinimok naman ng PCG ang mga mangingisda at operator ng mga maliliit na sasakyang pandagat na makinig sa mga abiso mula state weather bureau upang malaman ang update sa lagay ng panahon at sa gale warning at iwasan ang paglalayag sa mga maaalong dagat hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon.
		
			
        















