-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto ang agarang activation ng calamity assistance packages sa mga lugar na niyanig ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.

Kabilang dito ang pagbibigay ng cash aid, concessional loans, payment schemes at service subsidies.

Ito ay nakapaloob sa inisyung circular ng kalihim na nag-uutos sa mga government financial institutions (GFIs) at government-owned and controlled corporations (GOCCs) na pabilisin ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko kasunod ng mga kalamidad.

Maliban dito, inatasan din ang mga naturang institusyon na pabilisin ang pagproseso sa mga claims para sa mga nasirang ari-arian, pag-asiste sa mga borrower sa mga apektadong lugar at pagbibigay ng short-term loans para sa pagkumpuni ng mga bahay at pagrekober sa kanilang kabuhayan.

Pinasisiguro din ng kalihim ang patuloy na financial services ng mga bangko, ATMs at iba pang service channels.

Tiniyak naman ng kalihim na may sapat na pondo ang pamahalaan para masuportahan ang mga biktima lalo na ang mga magsasaka, manggagawa, estudyante, at bawat pamilyang Pilipino na apektado ng trahediya.

Nakahanda rin aniya ang resources na i-activate sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF) ng pamahalaan at National Disaster Risk Reduction and Management Fund para magbigay ng agarang relief at recovery operations gayundin ang suporta para sa pagkumpuni ng mga napinsalang pasilidad, imprastruktura at heritage sites.

Samantala, nakahanda ang Social Security System na magbigay ng P10 bilyon hanggang P15 bilyon sa ilalim ng Calamity Loan Program para sa mga miyembrong apektado ng pagyanig.

Magbibigay din ang Government Service Insurance System ng tulong pinansiyal para sa mga Pilipinong apektado ng lindol sa pamamagitan ng calamity at emergency loans.

Habang ang mga Pag-IBIG members naman ay maaaring mag-avail ng calamity loans at insurance claims para sa mortgaged houses. Sa minor repairs, maaaring mag-avail ang mga miyembro ng short-term improvement loans.