LEGAZPI CITY – Nagpaliwanag ang Land Transportation Office (LTO) sa dami ng mga reklamong natatanggap mula sa mga motorista na hindi pa rin nabibigyan ng plate number kahit pa nakabayad at nakapagparehistro na.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO-Bicol Assistant Regional Director Vince Nato, aminado itong malaki ang pagkukulang ng ahensya lalo pa at pumapalo na sa mahigit 800,000 plaka ang hindi pa rin naibibigay sa mga motorista na mula pa noong taong 2014.
Ayon kay Nato, hindi kinaya ng nag-iimprinta ng mga plaka mula sa central office ang dami ng mga plate number na kailangang gawin kaya natambak na ito hanggang sa dumami ng dumami ang mga hindi pa nabibigyan.
Dagdag pang problema ang bagong kautusan na gawing mas malaki ang mga plate number na hanggang sa ngayon ay nagkakalituhan pa rin kung ano ang magiging disenyo.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Nato sa mga apektadong motorista at nangakong gagawin ng LTO ang lahat upang makabawi sa backlog na umaabot na ng pitong taon.