-- Advertisements --

Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyong na-disburse o nagugol ang P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 24 oras.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., abogado ni VP Sara, walang tunay na batayan ang akusasyon ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at bagman ng Bise Presidente.

Naniniwala aniya silang kasinungalingan ang lahat ng akusasyon ni Madriaga kung ikokonsidera ang kaniyang source. Wala rin umanong involvement si Madriaga sa confidential funds o sa anumang kapasidad at hindi rin nagsilbing empleyado ni VP Sara.

Nabigo rin aniya si Madriaga na magpresenta ng mga dokumento para suportahan ang kaniyang akusasyon.

Kinuwestyon din ni Atty. Panelo ang kredibilidad ni Madriaga, dahil ang mga umano’y patunay ng ugnayan niya kay VP Sara na ipinakita sa impeachment hearing ay pawang campaign photos, group zoom meeting at video greeting sa kaniyang kaarawan.

Ayon sa abogado, hindi ito nagpapatunay na may ugnayan si Madriaga sa Pangalawang Pangulo, dahil ang mga larawan ay kuha sa campaign events at virtual meetings kung saan kasama ang mga election campaign volunteer noong panahon ng pandemiya.

Ipinaliwanag din ni Atty. Panelo na ang birthday greeting ni VP Sara kay Madriaga ay nagpapakitang hindi siya kilala ng Bise Presidente dahil recorded ang mensahe, na hiniling ng mga inibidwal na hindi personal na kilala ni VP Sara.

Pagdating naman sa paglagda ni Madriaga ng bank waiver, sinabi ng abogado na magpapakita lamang ito ng mga account na nasa pangalan ni Madriaga at hindi magpapatunay ng anumang ugnayan sa Bise Presidente.