Nanawagan si Senador Erwin Tulfo na tuluyan nang tapusin ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa oras na makabalik sa bansa ang dating kongresista at puganteng si Elizaldy Co.
Ito ay matapos maaresto si Co sa Czech Republic habang sinusubukang tumawid ng boder nang walang kaukulang dokumento.
Ayon kay Tulfo, mahalagang maisara na ang imbestigasyon upang makapagpokus ang pamahalaan sa iba pang suliraning kinahaharap ng bansa.
Dagdag pa niya, bagamat mahalagang tugunan ang krisis sa langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, hindi dapat kaligtaan ang pananagutan sa isyu ng flood control.
Matatandaan noong nakalipas na Linggo, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay Co, apat na buwan matapos kanselahin ang kaniyang pasaporte at halos isang taon naman mula nang lumabas siya ng bansa noong Hulyo 2025.
Nahaharap si Co sa mga alegasyon ng pagtanggap ng bilyong pisong kickback mula sa mga kontratista ng flood control at sa Department of Public Works and Highways.
Mayroon rin siyang warrant of arrest mula sa Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft at malversation.
















