-- Advertisements --

Nanindigan ang kampo ni Ramil Madriaga na si Vice President Sara Duterte umano ang nag-request na gayahin ang isang painting na hango sa orihinal na obra ng Davao-based artist na si Tanya Gaisano Lee, matapos iprisenta sa pagdinig ng House Committee on Justice.

Ayon sa ulat, kinukuwestiyon na ng kampo ng Bise Presidente ang kredibilidad ni Madriaga matapos kontrahin ng artist ang kanyang pahayag na siya ang nagregalo ng naturang painting kay VP Sara.

“Final na final na ba ito? Kasi kapag nahuhuli siya sa kasinungalingan, nagbabago siya ng kuwento,” pahayag ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., abogado ng kampo ni Duterte.

Maaalalang lumitaw ang isyu nang magpakita si Madriaga ng mga larawan sa pagdinig upang patunayan umano ang kanyang ugnayan sa Bise, kabilang ang screenshot ng video conference kung saan makikita sa background ang isang painting na sinasabing mula sa kanya.

Ngunit agad itong pinabulaanan ng tanyag na artist na si Tanya Gaisano Lee, na nagsabing iniregalo niya ang painting sa Bise noong Mayor pa siya ng Davao City noong 2021 at hindi rin aniya siya taga Laguna at scholar kagaya ng iprinisenta ni Madriga sa pagdinig.

Matapos ang pahayag ng artist, inamin ng abogado ni Madriaga na maaaring nagkaroon lang ng “honest mistake” sa detalye ng mga salaysay ng kanyang kliyente.

Gayunpaman, iginiit ng kampo ni Madriaga na si Duterte umano ang nag-utos na gayahin ang disenyo ng orihinal na artwork bilang inspirasyon para sa bagong painting na ipina-gawa sa isang scholar sa Laguna.

Ayon sa kanila, may mga larawan umano si Madriaga na nagpapatunay na nagkaroon ng kaparehong artwork na kanyang ipinagawa, na kalaunan ay iniuugnay sa nakita sa likod ng video conference ni Duterte.

Dagdag pa ng kampo ni Madriaga, may iba pang bersyon ng painting na may pagbabago sa detalye, kabilang ang kulay at disenyo, at maging ang paglalagay ng mukha ni Duterte sa obra.

Wala pang opisyal na tugon mula sa kampo ni VP Sara kaugnay ng mga bagong pahayag ni Madriaga.