-- Advertisements --

Ipinahayag ng isang eksperto mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na may mga pagdududa sa ilang acknowledgement receipts na ginamit bilang patunay sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ni Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig ng House justice committee, sinabi ni forensic document examiner Carolyn Moldez-Pitoy na sa 36 na resibong sinuri, may mga pagkakataon na ang mga dokumento ay nakapangalan sa iba’t ibang tao ngunit may kapansin-pansing pagkakatulad sa sulat-kamay at pirma.

Kabilang sa mga halimbawa ang mga resibo na nakapangalan kina “Sheila Dado” at “Sally Rendon,” na ayon sa eksperto ay may kahalintulad na estilo sa pagsusulat.

May iba pang grupo ng resibo umano na nakapangalan kina “Jason Bitangcol,” “Selsa Arojable,” “Samson Samuel,” at “Sabel Salazar” na may kaparehong handwriting characteristics.

Ayon pa sa NBI, may ilang petsa rin sa mga resibo na posibleng isinulat ng iisang tao, batay sa pagsusuri ng kanilang handwriting patterns.

Sinabi ng eksperto na batay sa pagsusuri ng orihinal na kopya na hawak ng Commission on Audit (COA), may mga grupo ng acknowledgement receipts na maaaring nagmula lamang sa iisang sumulat.

Ang House Justice Committee ay kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig kaugnay ng impeachment complaints laban kay VP Sara, na kabilang sa mga isyung tinatalakay ay umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Nakaiskedyul ang susunod na pagdinig ng komite sa darating Abril 22, 2026.