Nagsanib pwersa ngayon ang Joint Task Force Basilan at Basilan Police sa pagtugis sa mga tumakas na preso sa pangunguna ng isang ASG sub-leader kahapon ng hapon sa Basilan Provincial Jail.
Sa isinagawang pagtugis kahapon, kinumpirma ni Basilan Provincial Jail Warden Nul Asmawil na isa sa walong preso na tumakas ay napatay ng mga otoridad sa Barangay Sumagdang, Isabela City,Basilan.
Sa nasabing jail break, pinatay ng mga tumakas na preso ang jail guard na si Florencio Asbi.
Nanguna sa jailbreak ang sumukong ASG sub-leader na si Nur Hassan Lahaman.
Ayon kay Lt. Col. Homer Dumalag, hepe ng Isabela City Police, hinarang ni Asbi ang mga preso pero siya ay kinuyog, kinuha ang kaniyang baril na siya ring ginamit sa pagbaril sa kaniya.
Nakuha ng mga takas na preso ang cal. 45 at M4 automatic rifle na isyu sa biktima.
Sinabi ni Dumalag, nangyari ang pagtakas ni Lahaman at ng pitong iba pa bandang alas-5:00 ng hapon.
Kinilala ang iba pang takas na sina Battuh Kusain, Gappal Saripada, Hernie Asao, Albaser Ahmad, Torotoy Abbas, Mahad Hassan, at Kaliji Hajirul.
Matatandaan na si Lahaman kasama ang kapwa ASG kumander na si Mudz-Ar Angkun at mahigit isang dosenang tagasunod ay sumuko sa 64th Infantry Battalion noong May 2017 sa bayan ng Sumisip.
Ang grupo ni Lahaman ay nag-ooperate sa bayan ng Tuburan habang si Angkun naman ay sa Sumisip.
Siniguro ni JTF Basilan Commander Col Domingo Gobway ang kanilang tulong sa pagtugis sa pitong nakatakas na preso.