-- Advertisements --

Muling inihain sa Kamara ang anti-fake news bill.

Sa nasabing panukala, makukulong at pagmumultahin ng malaki ang mga indibidwal na sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon sa ilalim ng panukalang batas na muling inihain sa Kamara upang matugunan ang problema ng online disinformation at fake news.

Ito ang House Bill (HB) No. 3799, na akda nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at ABAMIN Party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr., ang mga magpapakalat ng fake news ay makukulong ng anim hanggang 12 taon at pagmumultahin ng P500,000 hanggang P2 milyon.

Sa ilalim ng panukalang tinawag na “Anti-Fake News and Disinformation Act,” ang hurisdiksyon sa ganitong mga kaso ay mapapasailalim ng Regional Trial Courts.

Ayon sa panukala, ang fake news ay tinutukoy bilang: “mali o mapanlinlang na impormasyon na pinapalabas bilang katotohanan o balita, na sinasadya at may masamang layunin na ipakalat upang linlangin ang publiko, na maaaring magdulot ng kalituhan, mag-udyok ng galit o karahasan, o makasagabal sa kaayusan ng publiko.”

Samantala, ang disinformation ay maling impormasyon na sadyang ipinapakalat upang manipulahin o impluwensiyahan ang pananaw ng publiko, asal, o mga polisiya.

Binigyang diin ng mga may akda, “the spread of fake news, particularly through digital platforms and artificial intelligence, has emerged as a serious threat to public trust, democratic institutions, and national stability.”

Idinagdag nila na bagaman ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag, ang karapatang ito ay hindi ‘absolute’ lalo na kung ang pahayag ay naglalagay sa panganib ng kaligtasan ng publiko o pambansang seguridad.

Bukod sa mabibigat na parusa, ipinapakilala rin ng panukala ang mga aggravating circumstances na maaaring magresulta sa pinakamataas na parusang 12 taong pagkakakulong o P2 milyong multa.

Kasama rito ang fake news na nakakasira sa pambansang seguridad o relasyong diplomatiko, pakikialam sa halalan o pagtugon sa kalamidad, o kung ito ay ginawa ng mga opisyal ng gobyerno, mamamahayag, o mga influencer na may higit sa 50,000 followers at sadyang pinagamit ang kanilang mga plataporma.

Sasailalim din sa pinakamabigat na parusa ang mga gumagamit ng automated o coordinated na digital system tulad ng bots, trolls, o sock puppet networks.

Itinuturing din na aggravating circumstance ang anumang kaso kung saan ang fake news ay ipinakalat na may direkta o hindi direkta tulong ng isang dayuhang gobyerno, entity, o indibidwal kabilang ang pinansyal, logistical, teknikal, o suporta sa cyber-infrastructure kung ang layunin ay manipulahin ang opinyon ng publiko, pahinain ang mga institusyon, o sirain ang demokratikong proseso.

Isa pang mahahalagang probisyon ang pagkakaugnay ng panukala sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Ang mga paglabag na nagawa online ay mapapasailalim sa buong saklaw ng kapangyarihan ng batas na iyon, kabilang ang pag-preserba ng mga datos, pakikipag-ugnayan sa service providers at real-time collection ng traffic data.

Upang maiwasan naman ang pang-aabuso, malinaw na tinukoy ng panukala ang mga exception. Hindi paparusahan ang satire, parody, editorial content, personal opinions, honest mistakes, at good-faith reporting na may makatwirang beripikasyon ng sources.

Kasama rin sa panukala ang mga judicial safeguards, remedies, at karapatang umapela hanggang Korte Suprema.

Inaatasan din ng panukala ang mga social media platforms na magtalaga ng liaison officers sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Tungkulin ng mga opisyal na ito ang makipag-ugnayan para sa mga takedown requests, pagsunod sa batas, pagtugon sa emergency tuwing may krisis, at pag-uulat sa Kongreso.

Kailangan ding magsumite ang mga platform ng taunang ulat tungkol sa kanilang mga aksyon laban sa disinformation na tinatarget ang mga Pilipinong gumagamit.

Upang matiyak ang pananagutan, bubuo ng isang Joint Congressional Oversight Committee para bantayan ang implementasyon ng batas, suriin ang mga pamamaraan ng pagpapatupad laban sa posibleng pang-aabuso, at magsumite ng ulat na maaaring magrekomenda ng mga pagbabago o pagbabasura kung kinakailangan.

Ang nasabing panukalang  ay naglalayong gawing kongkretong batas ang mga aral na nakuha mula sa mga nakaraang talakayan at pagdinig.