Ipinangako ng Armed Forces of the Philippines na tutugisin nito ang mga teroristang nasa likod ng pamamaslang sa apat na sundalo sa Maguindanao del Sur.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr., kasunod ng pananambang ng mga indibidwal na pinaniniwalaang pawang mga miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group sa apat na tropa ng militar.
Kaugnay nito ay muli rin binigyang-diin ni AFP Chief Brawner na titiyakin ang Hukbong Sandatahan na tuparin ang kanilang mandatong na protektahan ang taumbayan at ang bansa laban sa anumang uri ng banta.
Samantala, kasabay nito ay buong puso naman nagpaabot ng pakikiramay ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa mga naulilang pamilya at mga mahal sa buhay ng nasabing militar nang dahil sa pag-atake ng naturang mga miyembro ng teroristang grupo.
Magugunita na pabalik na sana sa military base ang mga biktima mula sa pamamalengke at pamimili ng supply bilang bahagi ng kanilang pagsasagawa ng community service nang bigla silang harangin at tambangan ng mga teroristang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang apat sa bayan ng Datu Hoffer Ampatuan sa nasabing lalawigan nitong Linggo ng umaga, Marso 17, 2024.